Videoke bar binomba: 5 dedo, 7 grabe

MANILA, Philippines - Aabot sa lima-katao ang iniulat na nasawi habang pito naman ang nasugatan makaraang pasabugin ng motorcycle-riding men ang videoke bar sa Barangay San Isidro sa bayan ng La Paz, Tarlac noong Martes ng gabi.

Sa ulat ni P/Senior Supt. Alfredo Copus, Tarlac PNP director, kinilala ang mga namatay na sina Rebecca Pineda, 21; Edwin Bernardo ng Brgy. Guevarra; Maria Theresa Labagala, 38, ng Brgy. Sto. Rosario, Zaragosa, Nueva Ecija; at Ronaldson Abello, 17, ng Brgy. Central, Tarlac City at isang lalaking tinukoy na Kim.

Ginagamot naman sa La Paz Medical Hospital ang mga sugatang sina Erwin Miguel, 16; Randy Casiano, 23, kapwa nakatira sa Brgy. Guevarra; Honelyn Ramos, 21; ng Brgy. Sto Rosario, Zaragosa, Nueva Ecija; Leonalyn Sandoval; 20, ng Tondo, Manila; Jaypee Orillo, 16; Flordeliza Abello, 30; at si Ana Reyes, 19, ng Sto. Niño, Antipolo City, Rizal.

Lumilitaw na nakaupo ang mga biktima sa Elisa Videoke Bar nang hagisan ng granada ng dalawang ‘di-kilalang lalaki na lulan ng motorsiklo.

Sa lakas ng pagsabog ay tumilapon ang mga biktima kung saan nadamay ang dalawang bystander na sina Miguel at Casiano.

Naisugod sa nasabing ospital ang mga biktima subalit idineklarang patay sina Pineda, Bernardo, Labagala at Abello habang si Kim naman ay namatay sa Paulino Jose General Hospital sa Cabanatuan City.

Patuloy naman ang imbestigasyon sa motibo ng pagpapasabog. Dagdag ulat ni Ric Sapnu

Show comments