Nanita sa nanghipo ng puwet, inutas

ILAGAN, Isabela  ,Philippines — Patay ang isang 20-anyos na obrero matapos sitahin ang manginginom na humipo sa puwet ng kasama nilang babae sa beerhouse sa Barangay Napaccu, sa bayan ng Reina Mercedes, Isabela kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa dibdib at tagiliran si Danilo Opiado matapos saksakin ng suspek na si Elvis Perez na ngayon ay nakakulong sa himpilan ng pulisya. Tinangka namang awatin ng mga kasamahan ng biktima na sina Pablito Quinagoran, Randel de Guzman, at Alfonso Bales ang suspek subalit maging sila ay pinagsasaksak. Nakaratay ngayon sa ospital ang tatlong habang pinaglalamayan naman si Opiado sa kanilang tahanan.

Show comments