CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Magkasunod na sinalubong ni kamatayan ang mag-ama makaraang makuryente habang naglalakad papauwi kamakalawa ng gabi sa Barangay Cotmon sa bayan ng Camalig, Albay.
Hindi na umabot pa ng buhay sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital ang mag-amang Jose Nuada Sr., 54; at Jose Nuada Jr., 15, kapwa nakatira sa nabanggit na barangay.
Batay sa police report, naganap ang insidente dakong alas-8:30 ng gabi habang ang mag-ama ay magkasamang naglalakad papauwi nang biglang bumagsak ang linya ng kuryente sa katawan ng batang Nuada.
Kasunod nito, kaagad namang sumaklolo ang ama para iligtas ang kanyang anak kung saan tinaga ang kable ng kuryente sa pag-aakalang walang dumalaloy na boltahe.
Dito na nangisay ang batang Nuada at sinundan naman ng kanyang ama na magkasunod na bumulagta sa kalsada.
Nang mamataan ng ilang residente ang naganap sa mag-ama ay mabilis na sumaklolo subalit kapwa hindi na umabot pa ng buhay sa nasabing ospital.
Kasalukuyang iniimbestigahan ang naganap na insidente sa mag-ama.