MANILA, Philippines - “Nasa impluwensya ako ng droga kaya ko nagawa ang krimen, hindi ko sinasadya, nagdilim ang isip ko, inabandona niya ako!”
Ito ang naging pag-amin sa pulisya ng isang 16-anyos na binatilyo na itinago sa pangalang John sa brutal na pagpatay sa 7-buwang buntis na kanyang nanay na si Virgindina Bantilan at 5-anyos nitong kapatid na babae na si Geraldine noong Huwebes ng gabi sa Naga City, Cebu.
Si John ay dating miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity na aminadong nalulong sa droga na anak ni Virgindina sa unang asawa na ang ikalawang mister ay seaman. Ang suspek ay bibihirang umuwi sa kanilang tahanan na madalas sa barkada nakikitulog.
Ang mag-ina ay kapwa tadtad ng mga saksak at pukpok ng matigas na bagay sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa testimonya ng suspek sa presinto, inamin nito na nagdilim ang isip niya ng makitang nakahiga sa papag na kawayan ang ina sa loob ng kanilang tahanan sa Brgy. Naalad noong Huwebes ng gabi.
Noong una ay umiiyak lang ito habang tinatanong hanggang sa aminin na siya ang gumawa krimen laban sa ina at kapatid.
Ayon kay John, nagtanim siya ng galit sa ina kaya niya nagawa ang krimen dahil inabandona siya nito noong magtrabahong domestic helper sa Hong Kong hanggang sa mag-asawang muli na ang naging anak naman ay si Geraldine.
Sinabi nito na akmang sisigaw ang kaniyang kapatid na si Geraldine nang makitang pinagsasaksak niya ang ina kaya isinunod din niya itong pukpukin ng baril at pagsasaksakin.
Inamin nito sa mga imbestigador na ninakaw din niya ang P600 ng ina saka tumakas sa crime scene pero lumilitaw sa imbestigasyon na nasa P50,000 ang ninakaw nitong pera sa ina at hindi naman nagalaw ang P428,000 na laman ng vault.
Magugunita na noon lamang Agosto ay isang nursing graduate na si Christian Lucky Dalangin, 25, ang pumatay sa 53-anyos nitong inang si Rubirosa Tenchavez sa Cebu City.
Ang bangkay ng biktima ay nakuha sa 4 metrong lalim na hukay sa stock room ng kanilang tahanan sa Maria Gochan Subdivision sa Barangay Mambaling.