MANILA, Philippines - Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang 63-anyos na ama matapos itong gulpihin at hatawin ng kawayan ng sariling anak na pinaniniwalaang nasiraan ng bait dahil sa pagkalulong sa bawal na droga sa bayan ng Badian, Cebu kamakalawa.
Nagtamo ng mga sugat sa ulo at mga hiwa sa katawan ang biktimang si Alfredo Orbena Sr. habang nahaharap naman sa kasong parricide ang suspek na si Fregion Orbena, 26, nasa detention cell ng Badian PNP station at nakatakdang dalhin sa Don Vicente Sotto Memorial Medical Center para isailalim sa psychiatric examination.
Base sa ulat ng pulisya, bandang alas-4 ng madaling-araw nang magising ang suspek na niyugyog ang ama at humihingi ng pagkain.
Dahil sa naalimpungatan ay inabutan ito ng tinapay ng amang inaantok pa bago bumalik sa pagkakatulog.
Nagwala naman ang suspek at sinira ang sahig na kawayan ng kanilang bahay na sinasabing sinusumpong na naman ng sakit nito sa utak dahil sa sobrang paggamit ng bawal na droga.
Dito na nanlisik ang mga mata ng suspek saka inumbag ang ama sa sahig at pinaghahataw ito ng kawayan sa iba’t-ibang bahagi ng katawan hanggang sa masawi ang matanda.
Kinumpirma naman ng ina sa mga awtoridad, na dating drug user ang kaniyang anak kaya nasiraan ito ng bait.