BULACAN, Philippines — Narekober na ng pulisya sa P1.5 milyong halaga ng asukal na sinasabing hinaydyak sa isinagawang follow-up operations sa Barangay Tabang sa bayan ng Plaridel, Bulacan kahapon. Sa ulat ni P/Supt. Albert Ocon kay P/Senior Supt. Fernando Mendez Jr., natagpuan ang 250 sako ng asukal sa container van sa bahagi ng Cagayan Valley Road sa nasabing barangay. Napag-alamang patungo sana sa Parañaque City mula sa North Harbor ang kargamento nang harangin ng grupo ng kalalakihan. Ayon sa pulisya, ang kargamento ay naibalik naman sa Jade Bros. Freight Int’l habang pinaghahanap naman ang drayber na si Jerry Morales ng Caloocan City at pahinanteng si Arnel Samulde ng Quezon City na kapwa sinasabing kasabwat ng grupong humarang sa trailer truck (CPL 534) na lulan ang tone-toneladang asukal.