Bisor pisak sa 2 trak

BULACAN, Philippines – Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang 43-anyos na bisor ng construction company makaraang maipit ng dalawang trak sa Barangay Tiwala sa bayan ng Balagtas, Bulacan kamakalawa ng hapon.

Tumagal pa ng kalaha­ting oras bago nakuha ang katawan ni Ronilo Narciso, kawani ng Rocka Group Construction, ng Brgy. Matimbo, Malolos City, Bulacan habang nakadetine na ang drayber na si Arnold Quilang, 39, ng Brgy. Dagat-Dagatan, Malabon City.

Sa imbestigasyon nina SPO2 Roberto Santos at PO2 Ian Sanchez, kasalukuyang nagmamando ang biktima sa paglipat ng imported na makina sa pabrika ng gamot lulan sa 18-wheeler truck (PQO 920) papunta sa isa pang truck (RHB-989) nang umatras ang unang truck.

Dito naipit ang ulo ng biktima na nagkataong nasa pagitan ng dalawang sasakyan.

Nabatid na hindi nilagyan ng kaukulang kalso ang mga gulong ng truck kaya umatras ito at hindi mapigilang maipit ang biktima.

Show comments