MANILA, Philippines - Binaril at napatay sa harapan ng kaniyang misis at anak ang isang mister ng hindi pa nakilalang nag-iisang armadong salarin sa bayan ng Mexico, Pampanga kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Nicasio de Guzman, 39-anyos, residente ng Purok 6, San Jose Malino sa bayang ito.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, bandang alas-6:45 ng gabi ng bigla na lamang pumasok ang salarin sa pintuan ng bahay ni de Guzman sa nasabing lugar.
Ayon sa misis nitong si Ria, hinahanap umano ng gunman ang isang lalaking nagngangalang Marco at sa kabila ng sinabi niyang wala siyang kilalang Marco ay tuluy-tuloy itong pumasok sa loob ng bahay.
Nang lumabas ang kaniyang mister ay agad itong pinagbabaril ng gunman sa leeg at dibdib sa kabila ng pagmamakaawa ng umiiyak na si Ria at ng anak nitong lalaking si Jomari.
Matapos masigurong napatay ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek na sumakay sa motorsiklo.
Pinaniniwalaan naman ng pulisya na isang kaso ng 'mistaken identity' ang pagkakapatay sa nasabing biktima habang patuloy ang kanilang pagsisiyasat.