CAMARINES NORTE, Philippines — Gumuho ang pangarap ng isang 17-anyos na estudyante sa kolehiyo matapos itong halinhinang gahasain ng kaniyang dalawang professor sa loob ng isang hotel sa Brgy. Bagasbas, Daet, Camarines Norte, ayon sa ulat kahapon.
Dahil dito galit na sumugod at pinagsusuntok ng ama ng biktima ang isa sa mga suspek na nagtuturo sa Technological College matapos magsumbong sa kaniya ang anak na itinago sa pangalang Vina.
Sa panayam ng PSN sa ama ng biktima, naganap ang insidente noong Agosto 27 ng taong ito matapos na magkaroon ng isang selebrasyon sa nasabing kolehiyo kaugnay ng pagdiriwang sa Buwan ng Wika.
Niyaya umano ng dalawang guro ang biktima na magmeryenda at ng mahilo ito matapos uminom ng softdrinks ay sinabi ng dalawang suspek na ihahatid ang dalaga subali’t sa Bagasbas beach resort muna ito dinala kung saan pinainom na naman ito ng juice na may halong pampahilo.
Kasunod nito ay dinala ang dalaga sa isang hotel kung saan naganap ang halinhinang panghahalay dito ng mga suspek.
Sa kasalukuyan ay nasa state of shock ang biktima sa isang psychiatric ward sa Naga City habang arestado naman ang mga suspek sa operasyon ng mga awtoridad.
Kaugnay nito matapos magreklamo sa National Bureau of Investigation sa Bicol Region ang pamilya ng biktima ay dumulog rin ang mga ito sa tanggapan ni Camarines Norte Governor Edgardo Tallado at PNP Provincial Director P/Sr. Supt. Roberto Fajardo.