Binatilyo inutas sa harap ng nobya

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Pinaniniwalaang panibugho at matinding selos kaya pinagbabaril at napatay ang isang 17-anyos na binatilyo sa harap mismo ng kanyang nobya sa Sitio Barana, Barangay Burabod sa bayan ng Calabanga, Camarines Sur kamakalawa ng gabi.

Sa police report, lumilitaw na kausap ng biktimang si Raymart Calalo ang kanyang nobya sa harap ng bahay ng kanilang kapitbahay nang lapitan at ratratin ng ‘di-kilalang lalaki na sinasabing naging karibal sa panliligaw.

Naisugod pa sa Saint John Hospital subalit ilang minuto makalipas ay binawian ng buhay ang biktima.

Bago naganap ang pamamaril, nadiskubreng nilagyan ng tubig ang tangke ng gasolina ng motorsiklo ng biktima kung saan winasak pa ang upuan.

Tinutugis naman ng pulisya ang isang lalaki na sinasabing naging karibal ng biktima sa panliligaw na pinaniniwalaang selos ang isa sa motibo.

Show comments