Shootout: 2 Budol-Budol Gang todas

SUBIC, Zambales – Da­lawa sa apat na kalalakihan na sinasabing miyembro ng notoryus na Budol-Bu­dol Gang ang iniulat na napaslang matapos maki­pagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa Sitio Tahimik, Barangay Calapacuan sa bayan ng Subic, Zambales noong Biyernes ng hapon.

Sa ulat na nakarating sa provincial police director na si P/Senior Supt. Francisco DB Santiago Jr., kinilala ang mga napatay na sina Ronald Carino ng Botolan, Zambales at Francisco Fernando ng Barangay Linasin sa bayan ng San Marcelino, Zambales

Samantala, sugatan naman ang kasamahan ng dalawa na si Rudy Martinez ng Sitio Agusuhin, Barangay Cawag sa bayan ng Subic kung saan naaresto habang nagpapagamot sa San Marcelino District Hospital.

Sa follow-up operation, naaresto naman ang ikaapat na suspek na si Michael Oiro sa Nitro Bar sa Barangay Calapandayan, Subic.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na inalok at nilinlang ng tatlo ang isang Aleman na si Gilbert Smith na bumili ng pekeng bara ng ginto.

Gayon pa man, pagsapit sa bahagi ng Purok 5, Sitio Mapanao sa Barangay Asinan ay hinoldap ng tatlo si Smith saka tinangay ang P.250 milyong cash.

Narekober ng pulisya ang ang dalawang cal. 38 revolver, 2 cell phone at dalawang piraso ng bara ng ginto na sinasabing peke.

Show comments