ILAGAN, Isabela, Philippines – Sinunog ng mga rebeldeng New People’s Army ang plantasyon ng tubo na sinasabing nagtutustos ng materyales sa kontrobersyal na Bio Ethanol Plant sa Barangay Del Pilar sa bayan ng San Mariano, Isabela noong Miyerkules ng umaga.
Itinaon ng mga rebelde ang pananabotahe sa pagbisita ni Lt. Gen. Reynaldo Mapagu sa Camp Melchor Dela Cruz kung saan idaraos ang graduation exercise.
Sa sketchy report na ipinalabas ni P/Senior Insp. Ruby Capinpin, hepe ng pulisya sa San Mariano, sinunog ng mga rebelde sa pamumuno nina Joey Ramos alyas Ka Jerome at Michael Erana alyas Ka Poktong ang malaking tractor na pag aari ng multinasyonal na Ecofuel Land Development Incorp.
Pinababa ng mga rebelde ang operator ng tractor na si Rogelio Bulan saka ito sinunog sa kanyang harapan.
Ang nasabing korporasyon ay nangunguna sa pagsasa-ayos ng mga dating forest land upang gawing taniman ng tubo na masidhing binabatikos ng mga radikal na grupo.
Ayon sa grupong Danggayan Dagiti Mannalonti Isabela (DAGAMI), inaakusahan nito ang pamahalaan panlalawigan sa usapin ng pangangamkam ng lupain sa kalbong dating logging area sa San Mariano. Raymund Catindig at Victor Martin