QUEZON, Philippines — Isang babaeng hepe ng pulisya ang pinarangalan matapos mahirang ang kanyang istasyon bilang “Best Municipal Police Station of the Year 2010” noong Agosto 18, 2011 sa Southern Luzon Command sa Covered Court, Camp Guillermo Nakar sa Lucena City, Quezon.
Pinangunahan ni P/Senior Supt. Ericson T. Velasquez ang parangal kay P/Insp. Bonna Iglesia Abuyan-Obmerga kung saan ay naging panauhing pandangal at tagapagsalita si P/Chief Supt. Gil C. Meneses, regional director ng CALABARZON.
Si P/Inspector Obmerga na tubong Lucban ay hepe ng pulisya sa Quezon na hinirang bilang “Best Municipal Police Station of the Year 2010”.
Nagtapos ng Bachelor of Science in Criminology sa Manuel S. Enverga University Foundation, Incorp. at pumasok sa serbisyo noong Agusto 1, 1996 kung saan siya ay isang Lateral Entrant-Line Officer at nahirang bilang Police Commissioned Officer sa ranggong Police Inspector noong Setyembre 1, 2008.
Bagama’t isang babae ay napanatili ni Obmerga ang kaayusan at kapayapaan sa bayan ng Quezon, kung saan nagsimula siyang manungkulan bilang hepe ng pulisya noong Agosto 13, 2010.
Lubos namang pinasalamatan ni Obmerga ang lokal na pamahalaan ng Quezon sa pangunguna ni Mayor Crispin S. Clacio at ang mga mamamayan sa patuloy na pagtulong at suportang ibinibigay sa hanay ng kapulisan.