MalasiguI, Pangasinan ,Philippines — Isang 62-anyos na albularyo ang umano’y iniligtas ng suot na anting-anting matapos na pagbabarilin ng 11 beses habang arestado naman ang dalawang suspek nang isulat nito sa sarili niyang dugo ang mga taong nagtangka sa kaniyang buhay sa pambihirang insidente sa bayang ito kamakalawa.
Kasalukuyan ngayong nilalapatan ng lunas sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City ang biktimang si Carlos Leocadio, magsasaka at naninirahan sa Brgy. Asin East ng naturang munisipalidad.
Arestado naman ang mga suspek na sina Brgy. Chairman Armenio de Vera at ang miyembro ng Civilian Volunteer Organization na si Roseber Macas; pawang residente ng nabanggit na barangay.
Ayon sa imbestigasyon, sinabi ni P02 Jonathan Cerezo ng Malasigui Police Station, ang biktima ay nagtamo ng 11 tama ng bala ng cal. 45 pistol matapos na pagbabarilin ng mga suspek sa tiyan at kaliwang kamay.
Nabatid na sinundan umano ng mga suspek ang biktima habang lulan ng bisikleta matapos itong magmasahe sa kaniyang kliyente at ng makakuha ng tiyempo ay pinagbabaril ito.
Sa pag-aakalang patay na ang biktima ay mabilis na tumakas ang mga suspek pero habang nagdidiliryo ay nagawa pang isulat sa dugo ng biktima gamit ang kaniyang palad ang pangalan ni Kapitan Boy, palayaw ni de Vera bunsod upang maaresto ang mga ito ng mga operatiba ng pulisya.
Sinampahan na ng kasong frustrated murder sa Prosecutors Office sa San Carlos City ang mga suspek.