Flashflood: 215 katao inilikas

MANILA, Philippines - Umaabot sa 215 katao ang inilikas makaraang rumagasa ang flashflood sa bayan ng Polomolok, South Cotabato nitong Huwebes ng hapon. Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos, bandang alas -2 ng hapon ng maganap ang flashflood sa Purok Riverside sa Silway 8, Polomolok ng nasabing lalawigan. Nabatid na aabot sa 45 pamilya na may katumbas na 215 katao ang inilikas sa barangay gym na nagsilbing evacuation center ng mga ito. Ang flashflood ay sanhi ng pag-apaw ng ilog matapos ang malalakas na pagbuhos ng ulan nitong nakalipas na mga araw. Namahagi na ng relief assistance ang pamahalaang lokal sa mga apektadong residente.

Show comments