MANILA, Philippines - Inaresto ng mga awtoridad ang isang dating bise alkalde matapos na masamsaman ito ng mga baril at bala na walang lisensya sa operasyon sa bayan ng Talugtog, Nueva Ecija kamakalawa.
Kinilala ni Philippine National Police (PNP) Spokesman P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr. ang nasakoteng suspek na si dating Vice Mayor Floro Pagaduan, residente ng Brgy. Cabiangan, Talugtog ng lalawigang ito.
Bandang alas-6:30 ng umaga ng masakote ng pinagsanib na elemento ng Police Intelligence Bureau (PIB) at Nueva Ecija Provincial Police Office (PPO) sa bisa ng search warrant na inisyu ni Executive Judge Ismael Casabar ng 3rd Judicial Region ng Regional Trial Court (RTC) Branch 33 ng Guimba , Nueva Ecija sa kasong illegal firearms and ammunition.
Nakumpiska rito ang isang M16 rifle na walang lisensya at magazine nito, 51 piraso ng bala ng cal 5.56 at isang Daewoo caliber 9 MM pistol.
Hinalughog rin ng mga awtoridad ang bahay ni dating Vice Mayor Reynaldo Cachuela sa Brgy. Quezon at dating Vice Mayor Pacifico Monta ng Brgy. Saguing; pawang sa Talugtog, Nueva Ecija pero walang nasamsam na mga armas mula sa mga ito. Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang mga awtoridad sa kasong ito.