Mister pinasabog ang sarili

MANILA, Philippines - Nagpasalubong kay kamatayan ang isang 35-anyos na mister na sinasabing hindi makayanang problema sa pamilya matapos pasabugin sa kaniyang katawan ang hawak nitong granada sa Barangay Magurang sa bayan ng Polangui, Albay kahapon ng madaling-araw.

Halos nagkalasug-lasog ang katawan ni Erwin Pa­lacay, 35, tubong Claveria, Cagayan.

Sa police report na nakarating kahapon sa Camp Crame, bandang alas-4 ng madaling-araw ng maitala ang insidente ilang oras matapos dumating ang biktima kasama ang kanilang anak na 5-anyos na batang babae sa bahay ng kaniyang misis.

Nabatid na nagkahiwalay ang mag-asawa kung saan sa Cagayan Valley naninirahan ang nasabing mister kasama ang dalawa nitong anak at dumadalaw lamang sa kaniyang misis sa nabanggit na bayan.

Lumilitaw na humingi pa ng papel sa pamilya ang biktima at gumawa muna ng suicide note kung saan ay inilagay nito ang contact number ng kaniyang mga kamag-anak sa Cagayan.

Kasunod nito, pinaunang matulog ang dalawang anak kasama ang kanyang misis at makalipas ang ilang minuto ay ginulantang sila ng malakas na pagsabog kung saan nadiskubre ang pagpapa­tiwakal ng desperadong mister gamit ang granada.

Show comments