SK chairman binoga ng 11-anyos na pinsan

MANILA, Philippines - Dahilan lamang sa simpleng biruan, pinagbabaril at napatay  ang isang Sangguniang Kabataan (SK) Chairman ng pinsang nitong 11-anyos na batang lalaki sa loob ng kanilang tahanan sa Brgy. Poblacion, Tapaz, Capiz kamakalawa. Batay sa ulat, kinilala ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., ang nasawing biktima na si Fregener Luna, 16-anyos, SK Chairman sa Brgy. Poblacion ng nasabing bayan. Si Luna ay idineklarang dead on arrival sa Tapaz District Hospital sa tinamong tama ng bala ng shotgun sa kaliwang balikat. Pinaghahanap naman ang nagtatagong suspek na itinago sa pangalang Junjun, Grade IV pupil at pinsan ng nasabing SK Chairman. Sa imbestigasyon ng Capiz Police, sinabi ni Cruz na naganap ang insidente dakong ala-1 ng hapon sa loob ng tahanan ng biktima sa nasabing lugar ilang oras matapos na galit na umuwi ang umiiyak na batang suspek nang mapikon sa tuksuhan nilang magpinsan. Gayunman, ilang minuto lamang matapos ang insidente ay bumalik ang suspek dala ang 12 gauge shotgun ng kaniyang ama at pinaputukan ang SK Chairman na nasapul sa balikat ng tama ng bala na naglagos sa katawan nito.

Show comments