MANILA, Philippines - Umaabot na sa 16 rebelde ang death toll habang lumobo na rin sa 2,500 namang residente ang nagsilikas sa patuloy na manaka-naka at kalat-kalat na engkuwentro sa pagitan ng angkan ng dalawang Commander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nag-aagawan sa lupain sa isang liblib na lugar sa bayan ng Datu Piang, Maguindanao.
Sa phone interview, sinabi ni Army’s 6th Infantry Division Spokesman Col. Prudencio Asto, nasa 10 bangkay mula sa nagbakbakang grupo nina Commander Hadjimie ng MILF 106th Base Command at Commander Abunawas ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang narekober na nakabulagta sa Brgy. Balanakan ng nasabing bayan.
Ang sinasabing 6 pang nasawi mula sa naturang magkalabang paksiyon ng Muslim rebels ayon kay Asto ay base lamang sa kanilang natanggap na intelligence report mula sa mga asset na sibilyan.
Pinaniniwalaan namang aabot sa 12 o higit pa ang mga sugatan sa pagitan ng grupo nina Hadjimie at Abunawas.
“Tensions continue to rise as movement of reinforcing elements from both sides were monitored. This further aggravated the situation and may further increase the suffering of more IDPs (Internally Displace Persons ) or evacuees”, anang opisyal.
Sa pinakahuling monitoring, sinabi ng opisyal na nasa 482 pamilya na may katumbas na 2,500 katao ang nagsilikas upang hindi maipit sa bakbakan. Ang mga ito ay pansamantalang kinakanlong sa gymnasium at paaralan sa Brgy. Poblacion ng bayang ito.
Samantalang binuo na ni Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangundadatu ang Crisis Management Team na makikipag-usap sa magkaaway na grupo upang mahinto na ang rido o ubusan ng lahi sa pagitan ng mga angkan nina Hadjimie at Abunawas.
Sa kabila nito, inihayag naman ni Asto na kontrolado na ng puwersa ng gobyerno ang tensiyon sa lugar kaugnay ng pinaiiral na peace and order.
"The military and the police units were beefing-up forces for any eventualities to ensure peace and security in and around Datu Piang”, ayon pa kay Asto.