BATANGAS, Philippines – Umaabot sa 32-katao ang nasugatan kabilang ang tatlong nasa kritikal na kalagayan matapos magsalpukan ang pampasehong bus at trailer truck head sa kahabaan ng Southern Tagalog Arterial Road (STAR) kamakalawa ng tanghali. Ayon kay Star tollway security chief Carlito America, kabilang sa malubhang nasugatan ay ang bus driver na si Joselito Ramos, pasaherong si Reynaldo Macalalad at ang truck helper na si Elmer Pae. Sa ulat ng pulisya, binabagtas ng Ceres Bus (DXU-903) ang kahabaan ng Star Tollway nang salubungin ng trailer truck (TYS-350) ni Cherry Vapor sa KM 88 Barangay Lapu-lapu, San Jose, Batangas bandang alas-12:08 ng tanghali. Nabatid na nag-overtake ang truck sa sinusundang sasakyan kaya inakupa nito ang kabilang linya hanggang sa maganap ang sakuna. Isinugod sa Mary Mediatrix Hospital, Lipa Medix at San Jose District Hospital ang mga sugatan habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa truck driver.