BULACAN, Philippines – Dalawang armadong kalalakihan na sinasabing sangkot sa holdapan sa gasolinahan ang iniulat na napaslang makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa bayan ng Pulilan, Bulacan kamakalawa ng gabi. Sa ulat ni P/Senior Supt. Fernando Mendez Jr. bineberipika pa ang pagkakakilanlan ng dalawang napatay matapos na walang makuhang anumang idenfication card. Sa ulat ni P/Supt. Edwin Quilates, lumilitaw na bago maganap ang shootout ay hinoldap ang dalawang lulan ng motorsiklo ang gasolinahan sa Barangay Cut-Cot. Kaagad naman nakarating ang impormasyon sa himpilan ng pulisya kaya nagsagawa ng checkpoint sa ilang exit point sa Barangay Longos. Dito na namataan ang dalawa na lulan ng motorsiklo kaya pinahinto ng pulisya subalit pinaharurot hanggang sa magkahabulan at nauwi sa shootout. Lumilitaw sa beripikasyon ng pulisya na ang dalawa ay miyembro ng Punongbayan robbery holdap gang na responsable sa holdapan sa ilang gasolinahan sa mga bayan ng Guiguinto, Balagtas, Bocaue, Sta.Maria, Norzagaray, Meycauayan City at Malolos City. Narekober ang dalawang baril, motorsiklo (OY-8279) at P1,170 cash na kinulimbat mula sa gasolinahan.