MANILA, Philippines - Buong tapang na idinepensa ng mga operatiba ng pulisya sa pamumuno ng babaeng hepe ang pagsalakay ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa kanilang himpilan na ikinasawi ng dalawang sibilyan habang tatlong iba pa ang nasugatan sa bayan ng Trento, Agusan del Sur kahapon ng umaga.
Sa kabila ng nakararaming rebelde ay hindi nasiraan ng loob ang hepe ng pulisya na si P/Inspector Charity Galvez na idepensa ang kanilang himpilan sa tulong ng kanyang 20 tauhan at ng iba pang yunit ng pulisya.
“She courageously stood their ground and with the assistance of her personnel and from adjacent PNP units in the area successfully defended her station,” pahayag ni P/Chief Supt. Reynaldo Rafal, PNP director sa Caraga Region.
Isa sa mga nasawing sibilyan ay si Salvador Ralla Jr., striker sa inatakeng himpilan ng pulisya habang sugatan naman sina PO3 Mhel Hubo, PO1 Lazarte at ang kawani ng Agusan del Sur Provincial Treasurer’s Office na si Alexander Lagulao.
Lumilitaw na lulan ng tatlong sasakyan ang mga rebelde nang sumalakay kung saan nabigong makubkob ang nasabing himpilan bago umatras matapos mamataan ang rumespondeng tropa ng Army’s 401st Infantry Brigade.
Gayon pa man, nasabat ang mga rebelde ng mga elemento ng pulis-Josefa na nagsagawa ng blocking operation sa Crossing Cuevas kung saan muling nagkaputukan na ikinasawi naman ng isang sibilyan na inaalam pa ang pagkakakilanlan.