MANILA, Philippines - Sinaksak at napatay ang isang 25-anyos na anak ng kanyang ama matapos ang matinding away sa pamilya sa Antipolo City, Rizal kamakalawa ng gabi. Isang tama ng saksak sa tagilirang bahagi ng katawan ang tumapos sa buhay ni Norman Madrid ng Purok 6, Zone 8, Barangay Cupang. Nasa Amang Rodriguez Memorial Medical Center ang suspek na si Elmer Madrid, 57, matapos na magtamo ng palo sa ulo habang sugatan din si Ruth Madrid matapos saksakin sa likuran at kamay habang umaawat sa mag-ama. Ayon kay PO1 Ruel Acuna, umuwi ng bahay si Norman na sinasabing lango sa alak kung saan sinampal ang utol na si Luis. Nagalit ang suspek sa kanyang anak kaya nauwi sa matinding pagtatalo hanggang sa magkagulo at mapatay ang biktima. Mariin namang pinabulaanan ni Elmer na siya ang nakasaksak at nakapatay sa kaniyang anak.