Pulis-Quezon 'sinalvage'

BATANGAS, Philippines – Pinaniniwalaang sinalvage ng mga ‘di-kilalang kalalakihan ang bagitong pulis matapos matagpuan ang bangkay nito sa madamong bahagi ng Barangay Munting Pulo sa Lipa City, Batangas kahapon ng umaga. Kinilala ni P/Supt. Rosauro Acio, Batangas police director ang napaslang na si PO2 Sandro Aguilo, 32, ng Barangay Quipot, Tiaong, Quezon at naka-assign sa Tiaong PNP. Ayon sa report, nakatanggap ng tawag mula sa mga barangay official ang Lipa police station matapos matagpuan ang mga labi ni PO2 Aguilo sa Barangay Munting Pulo, Lipa City bandang alas-7 ng umaga. Sa pagsisiyasat ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo ni PO2 Aguilo at saksak sa leeg habang nakabalot ng masking tape ang mukha nito. Natagpuan ang uniporme ng biktima ilang metro ang layo mula sa labi nito at narekober din ang pulang motorsiklong walang plaka. May teorya ang pulisya na pinatay ang biktima sa ibang lugar at tinapon sa nasabing barangay para iligaw ang imbestigasyon.

Show comments