MANILA, Philippines - Nagwakas na ang misteryo ng pagkawala ng isang 50-anyos na Canadian national matapos mahukay ang bangkay nito na nakalibing sa kulungan ng baboy sa Brgy. Adlaon, Cebu City kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si Darci Hanz Rentenberg, may pag-aaring resthouse sa lungsod na ito na ilang metro lamang ang layo mula sa piggery na kinatagpuan sa bangkay nito.
Sa ulat ng Cebu City Police, nabatid na ang nasabing Canadian ay iniulat na nawawala umpisa pa noong Hulyo 2 ng taong ito.
Naghinala naman ang mga kapitbahay nito na may milagrong nangyayari matapos na nagtayo ng piggery sa lugar si Rolando Aburot na katiwala ng biktima, isang araw matapos na mapaulat na nawawala ang kanilang amo.
Nang hukayin kamakalawa ang nasabing piggery ay dito na nadiskubre ang bangkay ng dayuhan.
Samantalang iniulat rin ng misis ni Aburot na si Marilyn na posible umanong kinidnap ang kanilang among si Renterberg pero nagtataka naman ang mga awtoridad dahilan matapos ireport ang insidente ay biglang naglaho ang mag-asawa na umano’y umuwi na sa Mindanao.
Nakatakda namang isailalim sa awtopsya ng mga awtoridad ang bangkay ng dayuhan upang madetermina ang sanhi ng pagkamatay nito.