MANILA, Philippines - Palaisipan sa mga awtoridad kung nag-suicide o sadyang pinaslang ang isang 76-anyos na Japanese pensioner matapos matagpuang may sugat sa noo at nakabigti ng electrical cord sa inuupahang bahay sa Barangay Agus, Lapu-Lapu City noong Martes.
Sa ulat ni Lapu-Lapu City PNP director P/Senior Supt. Anthony Obenza, kinilala ang biktima na si Takao Ukena, biyudo mula sa Osaka, Japan at pansamantalang nangungupahan sa KB Homes Subdivision.
Nadiskubre ng mag-asawang tagalinis na sina Marilie Paracueles, 25; at Rolly, 28, ang bangkay ng dayuhan na sinasabing huling namataang buhay noong Lunes ng gabi na nanonood ng telebisyon.
Ang nasabing biktima ay nag-iisa lamang sa tahanan nito at nagtutungo lamang ang mag-asawa sa nasabing bahay tuwing umaga para maglinis.
Nabatid na wala namang nawawalang anumang gamit at walang palatandaang pinuwersang buksan ang pintuan sa tahanan ng Hapones kaya may posibilidad rin na kakilala nito ang killer.