Mag-inang balikbayan, 1 pa kinidnap

MANILA, Philippines - Naghasik na naman ng lagim ang mga bandidong Abu Sayyaf matapos kidnapin ang mag-inang balikbayan at pinsang lalaki sa Barangay Tictabon, Sacol Island sa silangang bahagi ng Zamboanga City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni P/Director Felicisimo Khu, hepe ng Directorate for Police Operations –Western Mindanao ang mga biktimang sina Gerfayeatths Lunsmann, 50; Kevin Lunsmann, 14, anak ni Gerfayeatths sa kaniyang mister na Aleman at kamag-anak nitong si Romnick Jackaria, 19.

Ang mag-ina ay nagbalikbayan para bumisita sa kaniyang biological family sa nasabing isla.

Nabatid na ang dating pangalan ng matandang Lunsmann ay Jerpa Usman pero pinalitan ito matapos ampunin ng mag-asawang Kano noong 9-anyos pa lamang ito. 

Kinidnap ang mag-ina sa kanilang tahanan dakong alas-3 ng madaling araw, isang araw matapos dumating sa Zamboanga City noong Hulyo 11 mula sa Virginia , USA.

Napag-alamang bumisita sa bahay ng mag-ina si Jackaria mula sa Basilan kung saan naganap ang pagdukot.

Lumilitaw na isinakay sa pump boat ang mga biktima na patungo sa direksyon ng Brgy. Sengad, Tuburan, Basilan.

May teorya ang pulisya at mi­litar na kasabwat ng grupo ni Abu Sayyaf Kumander Pula si Jackaria.

Kaugnay nito, bumuo na rin ng Crisis Management Committee ang lokal na pamahalaang ng Zamboanga City para sa ligtas na pagbawi sa mga bihag.

Show comments