2 karnaper todas sa shootout

MANILA, Philippines - Dalawang kalalakihan na sinasabing notoryus na karnaper ng motorsiklo ang napatay matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa bayan ng Los Baños, Laguna noong Miyerkules ng gabi. Gayon pa man, kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawang napatay. Sa ulat ni P/Supt. Dante Novicio, hepe ng Los Baños PNP, dakong alas-6:15 ng gabi nang maganap ang shootout sa kahabaan ng Jamboree Road sa Brgy. Timugan. Nabatid na pinara ng mga nagpapatrulyang pulisya ang dalawa dahil sa pagmamaneho ng motorsiklo ng walang plaka. Sa halip na huminto ay pinaharurot ang motorsiklo kaya nagkahabulan hanggang sa mauwi sa shootout sa may paanan ng Mt. Makiling kung saan napatay ang dalawa na may baril at granada. Sa beripikasyon, natukoy na ang motorsiklo na ginamit ng dalawa ay pag-aari ni Wilfredo Panis na kinarnap sa Brgy. Anos habang nakaparada noong Lunes ng umaga.

Show comments