CAVITE, Philippines - Kalaboso ang sinapit ng isang tauhan ni Cavite Governor Jonvic Remulla matapos itong makasagasa at mapatay ang isang 25-anyos na lalaki sa bayan ng Cabuyao, Laguna noong Sabado ng umaga.
Ayon kay P/Inspector Romeo Criste, deputy chief of police ng Cabuyao, sumuko sa kanilang himpilan matapos ang ilang araw na pagtatago si Jasper Salvani, 34, ng Barangay Puting Kahoy, Silang, Cavite at nakatalaga bilang driver sa Emergency and Security Unit ng Office of the Governor ng Cavite.
Sa panayam ng PSN kay P/Insp. Criste, nagmamaneho ng motorsiklo ang biktimang si Michael Clemeno, 25, kawani ng Asia Brewery sa kahabaan ng Daang Marinig sa Barangay Sala nang mabangga ng van (SFV-380) na minamaneho ni Salvani bandang alas-9:30 ng umaga.
Matapos ang aksidente, mabilis na tumakas si Salvani dala ang service van pero naiwan naman ang bumper ng sasakyan nito na nakakabit pa ang plaka.
Isinugod ng mga bystander si Clemeno sa Ospital ng Cabuyao pero idineklarang patay ng mga doktor.
Sa beripikasyon ng pulisya sa Land Transportation Office at sa Kapitolyo ng Cavite, inamin naman ng legal officer ng Cavite Governor’s Office na kawani nila si Salvani pero hindi na ito aniya nag-report sa kanilang departamento mula pa noong maganap ang aksidente.
Miyerkules ng umaga nang boluntaryong sumuko si Salvani sa Cabuyao police station na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.