40 mag-aaral nilatigo ng guro

MANILA, Philippines - Nalalagay sa alanganin ang isang 60-anyos na guro na sinasabing malapit ng magretiro matapos ireklamo ng 40 mag-aaral sa elementarya na isa-isang nilatigo sa eskuwelahan sa bayan ng Tayug, Pangasinan noong Biyernes ng hapon.

Kinilala ang inireklamo na si Gloria Juanitez Callejo, Grade VI Science teacher sa Agno Elementary School.

Sa police report na nakarating sa Camp Crame, nagreklamo sa himpilan ng pulisya ang mga estudyante kasama ang kanilang mga magulang.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nairita ang guro nang bumagsak sa quiz  ang  mga estudyanteng lalaki at babae kaya nilatigo  niya  ang  mga ito sa hita.

Dinala sa Eastern Pangasinan District Hospital ang ilan sa mga  biktima dahil sa mga pasa sa likurang bahagi ng kanilang hita.

Nagsumbong naman ang mga bata sa mga magulang na nagpulong at nagsampa ng kaukulang kaso sa pulisya.

Samantala, nagsampa na rin ng kasong administratibo ang mga magulang at estudyante  laban kay Callejo sa tanggapan ng principal.

Inihahanda na rin ng pulisya ang pagsasampa ng kasong child abuse laban sa guro.

Show comments