MANILA, Philippines - Inaresto ng mga awtoridad ang dating actor na si Royette Padilla matapos itong ireklamo ng kaniyang misis ng pambubugbog sa loob ng V-8 bar sa Clark Freeport Zone sa Angeles City, Pampanga kahapon ng madaling-araw.
Sa police report na nakarating kahapon sa Camp Crame, si Padilla, 49, utol ni Robin Padilla, ay inaresto habang nagmamaneho ng kaniyang Nissan Safari ng pinagsanib na elemento ng Clark Development Corp. security personnel at Angeles City PNP sa main gate ng Freeport habang kasama ang 5-anyos nitong anak na lalaki.
Ayon kay P/Chief Insp. Luisito Tan, hepe ng police station 4, si Royette ay nahaharap din sa kasong homicide noong 1999 sa Angeles City at may standing warrant of arrest na inisyu ng korte.
Nabatid na nagtungo ang mag-asawa sa nasabing bar kasama ang kanilang anak na nagdaos ng kaarawan.
Nang malasing na ay sinabi ng kanyang misis na umuwi na sila sa Redwood Villas sa Clark na ikinagalit ni Royette kung saan pinagsisigawan siya nito.
Tumayo naman sa kaniyang upuan ang misis at akmang lalabas na ng bar nang hilahin sa braso ni Royette at pagsasampalin, itulak sa sulok ng bar saka pagsusuntukin hanggang sa halos hindi na makagulapay ang babae.
Matapos ang 30-minuto ay umalis na rin si Padilla sa bar kasama ang anak nito pero hinarang ito ng mga elemento ng pulisya sa Clark’s main gate.
“We wanted the mattered to be resolved before daybreak since there was an Asean golf tourmanent scheduled at Clark and the conflict was at Clark’s main gate,” pahayag ni Tan.