Korte sa Gapo na-bomb threat

OLONGAPO CITY, Philippines – Nabulabog at nabalot ng tensyon ang Bulwagan ng Katarungan ng Olongapo City matapos makatanggap ng bomb threat kahapon ng umaga. Kaagad namang ipinag-utos ni P/Senior Supt. Art Asis, Olongapo City PNP director, ang paghahanap sa itinamin na bomba sa palikuran ng babae sa nasabing gusali kasabay na pinalabas ang mga kawani sa iba’t ibang opisina sa Hall of Justice. Maging ang mga pagdinig sa sala ng iba’t ibang korte ay pansamantalang itinigil. Matapos ang dalawang oras na inspeksyon sa mga bahagi ng gusali ay walang natagpuang bomba sa palikuran na tinukoy ng caller. Base sa police report, nakatanggap ng tawag sa telepono ang isang kawani ng regional trial court na may itinamin na bomba sa palikuran at anumang oras ay sasabog ang gusali. Sa kasalukuyan ay hinigpitan ang seguridad sa labas at loob ng nasabing gusali.

Show comments