LUCENA CITY, Quezon, Philippines —Nabuwag ng pulisya ang kilabot na grupo ng kalalakihan na sinasabing sangkot sa serye ng holdapan sa mga bayan ng Tiaong, Candelaria, Sariaya, Tayabas at Lucena City makaraang madakip ang limang miyembro nito sa magkahiwalay na operasyon kamakalawa ng umaga sa Barangay Sampaloc 1.
Kinilala ni P/Supt. Atty. Erickson Velasquez, Quezon PNP director ang mga suspek na sina Arturo Trinidad, 40; Hill Dacebrand Villareal, 28, kapwa nakatira sa bayan ng Tanza, Cavite; Jeremy Carabuena, 28, ng San Francisco, Quezon; Robert Manalo, 21, ng Mulanay, Quezon at si Enrico Lata Jr., 18, ng Lucena City, Quezon.
Sa ulat nina PO2 Andro Radones at PO1 Daniel Hernandez, dakong alas-11:14 ng umaga ay nagbigay ng impormasyon sa pulisya si barangay Kagawad Cezar Magadia kaugnay sa 7 armadong kalalakihan na namataan sa Himlayan Cemetery.
Sa pangunguna nina P/Supt. Francisco Ebreo, P/Supt. Laudemer Llaneta at P/Senior Insp. Fernando Reyes III ay inilatag ang operasyon kaya nasakote sina Trinidad, Villareal at Latag Jr. na nakumpiskahan ng isang baril at dalawang patalim.
Kasunod nito, naaresto naman sina Carabuena at Manalo sa Barangay Isabang sa bayan ang Tayabas City kung saan nakumpiskahan ng dalawang baril habang nakatakas naman sina Enrico Latag Sr. at Jeffrey Valderey.