Ginang nambugaw sa bise alkalde

SAN MIGUEL, Bulacan ,Philippines  — Namemeligrong mabilanggo ng habambuhay ang isang 45-anyos na ginang matapos na ireklamo ng pambubugaw sa dalawang kababaihang menor-de- edad na nakatalik ng isang bise alkalde ng kanugnog na lalawigan.

Sa ulat ni Provincial Director P/SSupt.Fernando Mendez Jr. kinilala ang mga biktima na itinago sa pangalang Malou, 16 at Angel,19 pawang mga residente ng Brgy.Camias sa bayang ito habang agad ding kinasuhan ng human trafficking at child abuse ang suspek na si Juvy Timbresa ng Brgy. Poblacion Norte sa bayan ng Madela, Quirino Province.

Posible ding madamay sa isinampang kaso sina Jeno Manabat homo­sexual ng Brgy. Salacot, San Mi­guel, Rochelle Chavez ng Brgy. Muñoz, Quezon City at Vice Mayor Noli Tigas ng Nagtipunan, Quirino Province.  

Bandang alas-8:30 ng gabi ay inaresto ang suspek sanhi ng reklamo ng tiyahin ni Malou. Sa sinumpaang salaysay ng dalawang biktima, kinumbinse sila ng baklang Manabat noong Marso 10, 2011 na magtrabaho sa isang pabrika ng paper bag sa isang lugar sa Muñoz, Quezon City pero sa beerhouse ni Timbresa sila dinala at ipinasok na GRO sa kabila ng pagiging menor-de-edad kung saan ay nakatalik ng mga ito ng dalawang beses ang bise alkalde at iba pang mga lalaki.

Show comments