MANILA, Philippines - Nauwi sa matinding kalungkutan ang masayang birthday party makaraang malason ang 150-katao sa kinaing spaghetti sa Barangay Meysulao sa bayan ng Calumpit, Bulacan kamakalawa ng hapon.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, ang spaghetti na nakalason sa mga biktima ay sinasabing niluto ni Cesar Tolentino na inihanda sa ika-2 taong kaarawan ng kanyang apo na babae.
Makalipas ang ilang oras ay dumanas ng matinding pananakit ng ulo, tiyan at pagsusuka ang mga biktima kaya isinugod sa magkakahiwalay na ospital.
Anim sa nalason ay mga anak ni Snooky Serafin na tumulong sa pagluluto ng spaghetti at maging ang mga miyembro ng pamilya Tolentino ay naratay din sa ospital.
Iginiit naman nina Tolentino na hindi intensiyon ng kanilang pamilya na lasunin ang mga bisita sa birthday party.
Gayon pa man, hindi sinasadyang natapunan ng pulbos na ginamit ng clown sa party ang sauce ng spaghetti na pinaniniwalaang nakalasong kemikal kaya sumama ang pakiramdam ng mga biktima.