LAGAWE, Ifugao ,Philippines — Hindi na nakalusot pa sa mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng Cagayan Valley ang anak ng isang mayor sa lalawigan matapos arestuhin dahil sa pag-iingat ng shabu sa lungsod ng Tuguegarao, Cagayan.
Kinilala ng mga awtoridad ang inarestong suspek na si Jongi Pentecostes, isang barangay kagawad at anak ng punongbayan ng Gonzaga, Cagayan na si Mayor Carlito Pentecostes.
Ayon kay Ernesto Lacerna, information officer ng PDEA region-02, nakuha umano sa pag-iingat ng supek ang 27 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P150,000, kabilang na ang dalawang hindi pa natukoy na kalibre ng baril.
Sa inisyal na ulat ng PDEA, tinangka pa umanong manlaban ng suspek matapos magpaputok ng baril habang isinasagawa ang pag-aresto sa kanya.
Lumalabas sa talaan ng pulisya na ang nahuling suspek ay una nang naaresto at ipinasok sa rehabilitation center noong Enero 2010 subalit nakalabas naman noong Agosto 2010. Hindi naman kinunsinte ng ama na si Mayor Pentecostes ang pagkasangkot ng kanyang anak sa droga.