MANILA, Philippines - Limang rebelde kabilang ang tatlong deep penetration agent ang iniulat na napaslang matapos na mauwi sa shootout ang pagsasalang sa firing squad ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Negros Occidental kamakalawa.
Ayon kay Col. Jonas Sumagaysay, assistant division commander ng Army’s 3rd Infantry Division, ang insidente ay bahagi ng Kampanyang Paghilamon (anti-DPA) o ang mga pamamaslang ng NPA rebs laban sa mga hinihinalang naghuhudas sa kanilang kilusan.
Nabatid na unang isinalang sa firing squad ang dalawang rebelde na sinasabing DPA na tinukoy sa alyas Ka Rustom, 35; at Ka Kennedy kamakalawa ng umaga sa liblib na bahagi sa Sipalay City.
Bandang alas-10 ng gabi habang isinasalang din sa firing squad ang isa pang rebeldeng DPA na si alyas Ka Warren sa kagubatan naman ng Brgy. Pinapugasan, Escalante City.
Gayon pa man nagawang makapanlaban ni Ka Warren na mabilis na binunot ang nakatago nitong armas at napatay sina Ka Jingjing at Ka Durian sa magpapatupad ng firing squad sa kaniya habang 3 iba pa ang nasugatan.
Nagtatakbo naman si Ka Warren pero makalipas ang 10-minutong habulan ay naabutan ito ng mga kabarong rebelde kung saan tinuluyang ratratin hanggang sa masawi.
Sa tala ng militar, kabilang ang tatlong napatay sa talaan ng mga sinasabing DPA na senentensyahan ng kamatayan sa kilusang komunista.