Mag-utol nalunod sa palaisdaan

CEBU CITY, Philippines  – Gumuho ang matayog na pangarap ng mga magulang sa kanilang anak na mag-aaral sa elementarya makaraang malunod ang mag-utol na lalaki sa palaisdaan sa Sitio Nangkaan, Barangay Perrelos sa Carcar City, Cebu noong Linggo ng hapon.

Kinilala ang mga nasawi na sina James Lloyd, 8, Grade 2; at Renz Sarsaba, 6, Grade 1 sa Perrelos Ele­mentary School.

Ayon kay SPO1 Reynaldo Fuentes, bandang alas-6 ng gabi nang mapansin ng amang si Adonis na nawawala ang kanyang mga anak.

Nabatid na iniwan sa bahay ang mag-utol ng kanyang mga magulang na nagtungo sa Barangay Poblacion para bumili ng mga gamit sa eskuwela.

Nang hindi mahanap ang mag-utol ay napilitan ang ama na humingi ng tulong sa kanyang mga kapitbahay.

Dahil sa pagnanais na makita ang dalawang anak ay minabuti ng ama na mag-check sa binabantayang pala­isdaan kung saan natagpuan ang dalawa na nakalutang.

May teorya ang pulisya na tinangkang sagipin ni James ang kanyang utol subalit nalunod din sa pa­laisdaan. Freeman News Service

Show comments