QUEZON, Philippines — Tugis ngayon ng pulisya ang tatlong kalalakihan matapos na ireklamo ng tatlo-katao na nakaranas ng pagmamalupit sa initiation rites kamakalawa ng umaga sa Barangay Nieva sa bayan ng General Luna, Quezon.
Sa reklamo nina Jay-R Banaria, 21; Jayson Tuzon Ricamara, 19; at Gino Antonio Almario, 20, noong Mayo 23 ay ni-recruit sila ng mga suspek na sina Ting Suarez, Cezar “Sarbot” Ramiro Jr. at isang 17-anyos na itinago sa pangalang Manny na pawang miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity.
Gayon pa man, sumailalim sa initiation rites ang mga biktima sa pamamagitan ng pagpalo sa mga hita gamit ang malapad na kahoy.
Mananatili na sanang lihim ang ginawa ng mga suspek subalit nakita ng mga magulang ng tatlo ang mga pasa at latay sa katawan kaya kaagad na ipinaabot sa pulisya.
Pormal na kinasuhan ang mga suspek sa paglabag sa Anti-Hazing Law (RA8049). Tony Sandoval at Michelle Zoleta