MANILA, Philippines - Nalalagay sa balag ng alanganing madagdagan ang patung-patong na kasong kriminal ang walong kalalakihan na sangkot sa Maguindanao massacre matapos na inireklamo ng isang 24-anyos na dalagang pinilahang halayin sa bayan ng Rajah Buayan sa Maguindanao, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ng biktimang itinago sa pangalang “Melissa” ang ilan sa mga suspek sa gang rape na sina Datu Ulo Ampatuan, Bahnarin Ampatuan at isang Harris na pawang isinasangkot sa masaker sa 57-katao sa bayan ng Ampatuan noong Nobyembre 23, 2009.
Sa salaysay ni Melissa, noong Mayo 10 nang maganap ang gang rape sa kanya ng walong Ampatuan sa bahagi ng Barangay Bakat sa nabanggit na bayan.
Sa police report na nakarating kahapon sa Camp Crame, lumilitaw na namataan ang biktima ni Mayor Jack Ampatuan habang nag-iigib ng tubig at pinalapit sa kanya saka siya ibinigay sa grupo ng pamangkin ng alkalde na si Datu Ulo.
Sa salaysay ng biktima sa pulisya, dinala siya ng grupo ni Datu Ulo sa kakahuyan at doon isinagawa ang maitim na balak saka inabandona.
Sa ngayon, nananatili si Melissa sa safehouse ng pulisya sa Sultan Kudarat habang iniimbestigahan ang kanyang reklamo.
Itinanggi naman ni Mayor Jack Ampatuan ng Rajah Buayan ang alegasyon ng biktima at sinabing bahagi lamang ito ng maruming laro sa pulitika.