CAMP OLIVAS, Pampanga, Philippines —Nakatakdang magtalaga ng 8,000 pulis mula sa pitong lalawigan ng rehiyon upang matiyak ang kaligtasan ng 2.5 milyong mag-aaral sa pagpasok ng Hunyo 6. Ang programang ito ay alinsunod sa “Oplan Balik-Paaralan” sa pamumuno ni P/Chief Supt. Edgardo Ladao, PNP regional director. Ayon kay Ladao, inatasan niya ang lahat ng PNP field officer upang personal na bisitahin ang iba’t ibang eskwelahan at makipag-ugnayan sa mga opisyal kaugnay sa mga nagbabalak na maghasik ng karahasan tulad ng panghoholdap, pandurukot, pagtutulak ng bawal na droga at maging kidnapping. Makikipagtulungan din ang mga pulis sa traffic auxiliary para maayos ang trapiko at matiyak din ang kaligtasan ng mga mag-aaral at pasahero.