BULACAN, Philippines – Napaaga ang kamatayan ng isang 4-anyos na nene matapos pagpasasaan ang murang katawan ay pinagsasaksak pa ng isang tinedyer na sinasabing lango sa bawal na droga saka itinapon sa ilog sa Barangay Turo, Bocaue, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Nagtamo ng 65-saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Monica Venice Velasquez habang nadakma naman ang suspek na si Michael Dela Buena, 19, tubong Angeles City, Pampanga at nakatira sa Sitio Tumana sa nabanggit na barangay
Sa ulat ni P/Supt. Elvis Diaz na nakarating kay Bulacan PNP director P/Senior Supt. Fernando Mendez Jr., lumilitaw na napadaan ang biktima sa grupo ng suspek na nag-iinuman ng alak bandang alas-7 ng gabi.
Dito na sinundan ng suspek ang musmos na bata saka dinagit sa madamong bahagi na may ilang metro lang ang layo sa kanyang grupo.
Hindi pa nakuntento sa ginawang kahalayan ay kinarne pa ang katawan ng biktima bago itinapon sa ilog upang pagtakpan ang krimen.
Nadiskubre ang bangkay ng biktima matapos lumutang sa ilog kung saan naiwan pa ang short pants ng suspek sa damuhan.