CAVITE, Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa mag-asawa na sinasabing kapwa lango sa alak matapos makuryente kahapon ng umaga sa Barangay Sampaloc 2 sa Dasmariñas City, Cavite.
Kapwa idineklarang patay sa ospital sina Erickson Manalo, 25; at Jojen Manalo, 21, nakatira sa Sitio Bucal sa nasabing barangay.
Ayon kay SPO1 Edgar Belza, pauwi na ang mag-asawa nang magkasigawan sa hindi nabatid na dahilan.
Base sa mga nakasaksi, nauwi sa tulakan ang away ng mag-asawa kung saan kapwa napadikit sa street light na sinasabing may talop na linya ng kuryente.
Dito na nangisay ang dalawa kung saan umuusok pa ang katawan nang bumagsak dahil sa matinding boltahe.