BULACAN, Philippines — Apat na kalalakihan na sinasabing sangkot sa pagpapakalat ng bawal na droga ang nadakma ng pulisya sa magkahiwalay na operasyon sa tatlong bayan sa lalawigan ng Bulacan kamakalawa. Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt.Fernando Mendez Jr., ang mga suspek na sina Raymart Eugenio 20; at Ariel Cabigao, 24, ay naaresto ng pangkat ni P/Supt. Elvis Diaz sa bisinidad ng Barangay Bambang sa bayan ng Bocaue, Bulacan. Nasamsam sa dalawa ang ilang gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana. Samantala, si Antonio Tadiama, 38, ng Brgy. Malhacan ay naaresto ng pangkat ni P/Insp. June Tabogo-on sa bahagi ng Brgy. Malhacan sa Meycauayan City. Si Rolando Caringal, 24, ng Brgy.Tabe, Guiguinto ay nadakma naman sa Brgy. San Isidro II sa bayan ng Paombong, Bulacan. Sina Tadiama at Caringal ay nasamsaman ng ilang gramo ng shabu sa buy-bust operation.