Manila, Philippines - Apat katao kabilang si 2nd District Pangasinan Congressman Leopoldo Bataoil at anak nito ang nasugatan makaraang suyurin ng bus ang sinasakyan ng mga itong behikulo sa highway ng Brgy. Poblacion, Bugallon, Pangasinan nitong Huwebes ng madaling araw.
Batay sa ulat, sinabi ni PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) Director P/Chief Supt. Leonardo Espina, bandang ala-1 ng madaling araw ng maganap ang sakuna sa nasabing lugar.
Sinabi ni Espina na idineklara ng nasa ligtas na kalagayan sa tinamong sugat sa ulo si Rep. Bataoil, anak nitong si Angela, pamangkin at security escort na si PO3 Jim Evangelista pero nasa kritikal na kondisyon ang driver nitong si Ruben Escobar Jr. na nasa Intensive Care Unit (ICU); pawang inilipat na sa Villaflor Hospital sa Dagupan City.
Si Bataoil ay isang dating mataas na opisyal ng PNP na ang huling puwestong hinawakan ay bilang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at pinalad na manalong Kongresista noong Mayo 2010 national elections.
Base sa imbestigasyon, sinabi ni Espina na kasalukuyang bumabagtas sa highway ng Brgy. Poblacion ang behikulo ni Rep. Bataoil na isang Nissan Escapade (ZET 264) nang aksidente itong mabangga ng Dagupan Bus (DAS 578) na minamaneho ni Benny Cainap ng Brgy. Bagong Silang, Quezon City.
Tinangka umanong iwasan ni Cainap na tumatahak sa katimugang direksyon ang isang motorsiklo na biglang tumawid sa highway pero sa kamalasan ay ang behikulo naman na sinasakyan ni Rep. Bataoil na kasalubong nito ang nabangga ng naturang bus.
“We have taken over the investigation of this vehicular accident in coordination with Police Regional Office 1”, ani Espina kung saan ay ini-inquest na sa piskalya ang naarestong driver at iniimpound ang bus na minamaneho nito.