TACLOBAN CITY, Philippines – Binaril at napatay ang first termer na mayor habang sugatan naman ang isang board member sa naganap na panibagong karahasan sa town fiesta sa Hinabangan, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay P/Senior Supt. Ronald Macapagal, Samar PNP director, nagtamo ng tama ng cal. 45. Pistola sa tagiliran ng tiyan si Calbayog City Mayor Reynaldo S. Uy, 59, kung saan namatay sa Divine Word Hospital sa Tacloban City.
Sugatan at ginagamot din sa nasabing ospital si Board Member Eunice Babalcon na tinamaan din sa kanang balikat matapos lumagos ang bala sa tiyan ni Mayor Uy.
Si Babalcon na sinasabing abogado at anak ni Paranas, Samar Mayor Felix Babalcon ay ligtas na sa bingit ng kamatayan.
Nabatid na nakaupo si Mayor Uy katabi si Bokal Babalcon sa loob ng gymnasium para saksihan ang fiesta dance nang lapitan at barilin.
Napag-alamang humalo ang gunman sa mga tao na nagpulasan sa iba’t ibang direksyon kaya hindi kaagad nadakma ng mga pulis na nagsisilbing bantay.
“We are still at the state of shock to this incident, this is very terrible, the program was actually started with doxology, when the attackers fired the gun, hinawakan ko agad si Mayor Uy while he was about to fall down, the mayor was saying…”baka natamaan ang kidney ko” at malakas ang agos ng dugo,” pahayag ni Calbiga, Samar Mayor Boy Latorre na isa sa limang alkalde na kasama ni Mayor Uy sa piyesta.
Bago maganap ang pamamaslang, nakatatanggap ng pagbabanta sa buhay si Mayor Uy matapos manalo noong May 2010 elections kaya dinagdagan ang kanyang security escort.
Nabatid din na isang buwan matapos ang recall petition laban kay Samar Governor Sharee-Ann Tan Delos Santos ng kanyang Vice Governor na si Stephen Tan noong Disyembre 2010, opisyal na nagdeklara ng kandidato ni Mayor Uy kasama si Bokal Babalcon bilang vice governor sa guvernatorial race sakaling pahintulutan ng Comelec ang recall elections.
Kamakailan lamang ay naresolba ng Comelec en banc ang recall petition subalit nagsumite ng motion for reconsideration ang kampo ni Governor Tan kung saan naka-pending ngayon ang resolution sa Comelec.