MANILA, Philippines - Isang 16-anyos na dalagita ang nasawi, habang 12 pa ang grabeng nasugatan matapos na mahulog sa matarik na bangin ang sinasakyan ng mga itong behikulo sa highway ng Brgy. San Jose, Prosperidad, Agusan del Sur kamakalawa.
Nakilala ang nasawi na si Mary Rose Biha, ng Bislig City, Surigao del Sur na idineklarang dead on arrival sa D. Plaza Memorial Hospital sa bayan ng Prosperidad.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa nasabing pagamutan ang mga sugatan na sina Abdul Radia, Lloyd Fernandez, Jeson Sulino, Maila Baquiano, 13, Celistina Baquiano, Genalyn Alisbo, Alberto Ontua, Luzviminda Llompera, 46, Joel Colon, Cloro Licayan, Rudy Gerit at ang driver na si Fernando Halina Jr.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 13, naganap ang sakuna sa nasabing lugar bandang alas-4 ng madaling-araw.
Kasalukuyang bumabagtas sa lugar ang Hyundai Starex van (LYF-639) na minamaneho ni Halina nang aksidente itong mahulog sa bangin na sumalpok pa sa isang punong kahoy na ikinasawi ng dalagita na nagtamo ng matinding sugat sa ulo habang malubha naman ang iba pa.
Nawalan umano ng kontrol sa manibela si Halina na nagbunsod sa pagbulusok ng behikulo sa bangin na nasa tabi ng highway.
Isinasailalim pa ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang kasong ito.