Ambush: Mayor, 2 escort sugatan

MANILA, Philippines - Tatlo-katao kabilang ang isang alkalde at security escort nito ang kumpirmadong nasugatan makaraang tambangan ng mga armadong kalalakihan sa kahabaan ng national road sa Brgy. Cambahao, Cajidioca, Sibuyan Island, Romblon kamakalawa.

Kabilang sa sugatan ay sina Mayor Festo Galang Jr. ng nabanggit na munisipalidad, nagtamo ng sugat sa kaliwang braso; PO1 Erick Espartinez, nasu­gatan sa kaliwa at kanang balikat at driver escort nitong si Jorge Rabino na tinamaan ng bala sa kaliwang braso.

Batay sa ulat ng Romblon PNP, naganap ang pananambang habang lulan ang alkalde ng Toyota Fortuner na bumabagtas sa may sementeryo pasado alas-5 ng hapon.

Nabatid na pauwi na si Mayor Galang Jr. mula sa munisipyo nang ratratin ng mga armadong lalaki na sinasabing nakaposisyon sa gilid ng highway.

Narekober ng mga nagrespondeng opera­tiba ng pulisya ang mga basyo ng bala ng M16 Armalite­ rifle at ang bonnet­ ng isa sa gunmen.

Kasalukuyang sini­silip ng pulisya ang anggulong pulitika.   

Show comments