LUCENA CITY, Quezon ,Philippines – Napatay ang isang 8-anyos na batang lalaki matapos mabaril ng kanyang kalaro na 13-anyos sa palaisdaan sa Purok 7, Barangay Dalahican sa Lucena City, Quezon kamakalawa ng umaga.
Sa ulat na tinanggap ng hepe ng pulisya na si P/Supt. Alex Orfanel, kinilala ang nasawi na si Aronjay Quisana habang nasa kustodya ngayon ng City DSWD ang suspek na itinago sa pangalang Mark na kapwa residente ng nasabing barangay.
Ayon kay PO3 Aldin Ranola, natagpuan ang katawan ng biktima sa guard house ng fishpond na sinasabing pagmamay-ari ng pamilya Raymundo.
Lumilitaw sa imbestigasyon na naglalaro ang dalawa sa fishpond nang nakita ng suspek ang improvized na riple sa loob ng guard house.
Hindi naman inakala ng suspek na may bala ang riple kaya itinutok sa dibdib ng kalaro kung saan biglang pumutok matapos makalabit ang katilyo.
Pansamantalang pinigil ng pulisya ang katiwala ng palaisdaan na si Domingo Raymundo na sinasabing may-ari ng baril at posibleng panagutin sa pagkamatay ng biktima.