San Jose del Monte City, Bulacan ,Philippines — Umaabot sa 1,300 kilo ng karne ng bochang baboy na karga sa dalawang sasakyan ang nasabat ng pulisya sa checkpoint kasunod ng pagkakaaresto sa isang driver sa operasyon sa lungsod na ito kamakalawa. Kinilala ni Supt. Fritz Macariola ng Provincial Public Safety Management ang nasakote na si Rodoldo Pascual, 56, residente ng Brgy. Muzon sa lungsod habang tumakas ang isa pa nitong kasamahang driver. Bandang alas 2:30 ng hapon habang nagsasagawa ng checkpoint ang pulisya ay biglang dumating ang dalawang sasakyang Toyota Tamaraw (CJT-392 at WRA-908) at nang siyasatin ang loob ng mga sasakyan ay tumambad sa kanila ang masangsang na amoy ng mga karneng bocha na ibinebenta sa mga palengke dito na galing sa piggery farm sa Angeles City, Pampanga. Matapos na makumpirmang bocha ay agad na ipinasunog ng Provincial Veterinary Office ang mga nasamsam na karne.